Saturday, May 17, 2014

Simbang Gabi


"Simbang Gabi"

Si Nanay talaga.
Ipinaalala niya kagabi na simula na ulit
Ng siyam araw na nobena ngayong adbiyento,
At kung mabubuo ko raw iyon ay matutupad
Ang anumang hihilingin ko sa Diyos.
Alam ko ang gusto niyang hilingin ko
Na hinihiling niya para sa akin kahit mangitim
Ang tuhod niya sa pagkakaluhod
Araw-araw kahit hindi Pasko.
Simple lang ang sagot ko, pigil ang pagsinghal,
Habang pinaiikot-ikot ang bilog sa mata:
Kung ibibigay ng Diyos, ibibigay Niya. Sa isip ko’y
Hanggang ngayon ba’y kaliwaan ang areglo sa langit?

Ang totoo’y di sinasadyang sinasadyang buuin ko
Ang simbang gabi ngayong taon nang di inaamin sa ina.
Hindi ko alam kung ang mundong kasabay ko
Ay dumadagsa dahil may mga hinihiling din sila
Katulad ni Nanay para sa hindi nag-aasawang anak,
O may ipinagdarasal na maysakit, kaaway, kapatid,
Lumubog na negosyo, petisyon para sa Canada o Australia,
Pagtama sa lotto, o kahit man lang sa cake raffle sa parokya
Na nagpapamigay ng pulang scooter at mga bentilador.
Sa pugad ng mga Heswita ay nahabag ako
Sa puto bumbong dahil ang pinipilahan ng mga bihis na bihis
Ay ang churros con tsokolate at donut sa magkabilang tabi.

Gusto kong sabihin kay Nanay na ang pagsisimbang gabi ko
Ay tulad ng panalangin ng puto bumbong habang sumasagitsit
Sa nagtatanod na buwan: salamat, ulit-ulit na munting salamat
Sa pagkakataong maging payak, walang inaalalang pagkalugi
O pagtatamasa sa tangkilik ng iba, walang paghahangad
Na ipagpalit ang kapalaran pati ang kasawian sa kanila.
Salamat sa panahon ng tila matumal na grasya,
Sa sukal ng karimlan, sa budbod ng asukal ay husto na,
Ang di pagbalik ng malagkit na puhunan
Sa kabila ng matapat na paninilbihan at paghahanda
Sa anino ng Wala, luwalhating kay rikit! Tikom-bibig.


- Disyembre 20, 2006


- from Rebecca T. Añonuevo's Kalahati at Umpisa, UST Publishing House, 2008

0 comments:

Post a Comment