Saturday, May 17, 2014

Anumang Leksiyon

"Anumang Leksiyon"

Nagpapantay ang araw at dilim
sa pangangalumata ng isip--
ano't may di-inaasahang panauhing
dumadalaw at pumapasok sa mga sulok
na kahon-kahong salansan ng mga mortal
na pangarap at paninimdim.

Wala iyon sa layo o lamig na nakabalot
sa paligid. Wala sa pagtigil o pagtakbo
ng oras. Wala sa pagkapagod ng katawan.
Wala sa pag-iisa o dahil naliligid
tayo ng mga bata at halaman, o may babala
ang hangin, o umaalimuom ang lupa.

May panauhin pagkat nakikinig
ang labi ng mga rosas, buko sa buko;
nabubuhay ang pagkain sa mesa,
halos magsayaw ang mga kutsara at plato;
nililinis ng huni ng butiki ang agiw sa bintana;
sumisigid ang ulan sa mata ng buong bahay.

Maaari nga nating hamunin ang tadhana
para magbiro sa tulad nating parating lango
at sala-salabid ang hakbang sa pagsuyo:
dagdag na mga tanong na walang kasagutan,
kaliwa o kanan, munti o labis, isa-isa,
sabay-sabay, sa bakuran ba o kusina.

Magpapantay pa rin ang dilim at araw.
Gigising ang liwanag na bagong hangong tinapay.
Mag-aantanda ng pasasalamat, susuong sa siyudad.
Muli, uuwi sa tahanan, maghahain para sa hapunan.
Ang panauhin ay nakabantay at nangungusap
sa kanyang katahimikan. Gayon ang kagalakan.

0 comments:

Post a Comment